Saturday, September 21, 2019

Shout-Out Sa Officemate Kong Homophobic

Hoy Charles, bakit ba tag ka ng tag sa ‘kin sa post ng ibang tao tungkol sa SOGIE Bill? Wala ka bang sariling post na dun mo ko pwedeng i-tag? Sawsaw ka ng sawsaw sa opinion ng iba.



Una, hindi naman ito usapin ng CR ng lalaki. Bakit ba ang ingay mo sa issue? Apektado ka? Isyu ‘to ng CR ng babae. Eh ‘di hayaan natin silang magsalita at magreklamo kung nababastos sila kapag may mga transgender (na tulad ni Gretchen Diez) na nakikigamit ng CR nila.

Tapos lagi mong sinasabi baka may mga lalaking mag-bihis bakla, pumasok sa CR ng babae at mang-molestiya. Lagi mong sina-cite yung isolated case sa US. Jusmiyo, sa dami ba naman ng rapists sa Pilipinas, kailangan pa ba nilang mag-extra effort para lang makapang-molestiya? Gusto mong bigyan kita ng numbers ng mga rapists sa Pilipinas na sarili nilang anak ang binibiktima nila?

Makitid talaga utak mo ‘no Charlie? Wala kang pinagka-iba kay Tito Sotto. Yung mga senador na babae nga tulad nila Binay, Marcos, Villar, at Cayetano hindi nga nagsasalita against sa mga baklang nakikigamit ng CR ng babae, kayo pa ni Sotto ang maingay?

Sa opis nga natin, parang si Shine lang ang narinig kong may reklamo sa paggamit ng mga bading sa CR nila – na nagiiwan daw ng patak ng ihi sa gilid ng bowl. Kahit naman sa CR ng lalaki ganun. May tissue naman, pwedeng pahiran. Other than that, wala akong naririnig na reklamo mula sa mga babae. Paano mo nasabing against ito sa women’s rights?

To think na sa call center ka nagta-trabaho at nakapag-aral ka naman, ganyan ang mentality mo? Buti sana kung construction worker ka na hindi nakapag-college. Eh kahit ireklamo mo sa HR natin yan, ‘di ka papansinin dahil unang-una, may culture of tolerance sa call center. Pangalawa, nasa Quezon City ang Tera Tower at may ordinance against discrimination. Kung feeling ng bading na babae s’ya (at kamukha naman n’ya si Gretchen Diez o kaya si OM Steph kung kumilos) sino ka para tumutol? Nag-try ka na ba mag-reklamo sa HR natin na si OM Steph sa CR ng babae nagsi-CR?

Problema kasi sa ‘yo Charlie ang ingay mo sa social media eh sa personal naman, para kang bawang na pinitpit. Nakakatuwa nga eh. Nagpa-poll ka sa wall mo eh puro naman kapwa mo homophobe at makitid ang utak na mga lalaki at nag-comment. Parang si Leilani lang ‘ata yung babae na nag-comment.

Eto hamon ko sa mga babaeng empleyado ng opisina natin – kung talagang nababasto kayo at feeling n’yo, labag sa women’s right ang ginagawa ng mga transgender sa paggamit ng CR n’yo, magsalita kayo sa post na ito. Tapos i-collate n’yo mga reklamo n’yo and I dare all of you, iparating n’yo sa HR mga hinanakit n’yo about sa mga bading na nakiki-CR sa inyo.

Pero bago n’yo gawin yan, isipin n’yo lang mga kapatid, kamag-anak at mga kaibigan n’yong bading. This is the first and last time that I’ll speak about this issue kasi nga, inuulit ko, hindi ito usapin ng CR ng lalaki. Usapin ito ng CR ng babae. Let the women speak. It's their issue.










Saturday, March 9, 2019

Trolls ni Duterte


Nagdiriwang ang mga DDS sa pagpirma ni #PGong ng mga batas tulad ng Expanded Maternity Leave, Free College Education at Universal Health Law. Full credits ang mga DDS sa presidente ah – parang s’ya lang ang may gawa ng lahat.



Ang nakakalungkot – mga citizens sa Facebook ang mga nauuto ng mga DDS na ‘to. Kung kaya mong mag-Facebook, may access ka rin sa Internet. Kayang-kaya mong i-Google kung sino ang primary author ng mga bills na ito para naman i-credit mo ang congressman at senador. Wag puro sa presidente ang credit dahil hindi pa naman n’ya napapatupad ang mga batas na ito ng maayos.

Madami sa mga DDS na ito ay nakapagtapos naman ng college. Ibig sabihin, nakatapos naman ng Constitution 101. Alam naman siguro nila ang 3 sangay ng pamahalaan natin – Legislative, Executive at Judiciary. Legislative (House of Representatives at Senate) ang gumagawa ng batas, Executive (Office of the President) ang nagpapatupad ng batas, at Judiciary ang nagi-interpret kung ang mga batas na ito ay ayon sa Saligang Batas, among other functions.

Okay naman i-credit ang pangulo sa mga inilabas nitong Executive Orders tulad ng Nationwide Smoking Ban, FOI sa Executive Branch, DOLE order regarding contractualization, atbp. Ang mga ito ay galling mismo sa pangulo at hindi naman tinutulan ng Korte Suprema. Ibig sabihin, naaayon naman sa Saligang Batas (Konstitusyon) – o walang nagsampa ng reklamo sa Korte Suprema.

Pero ang mga batas na ipinasa sa pangulo para pirmahan, bakit sa kanya lang nag credit ng mga DDS? Dahil ba ang mga batas na ito ay gawa ng mga senador na nasa oposisyon tulad nila Bam Aquino (Free Education Act) at Risa Hontiveros (Expanded Maternity Leave Act). Bakit kailangang i-demonized ang mga senador na nasa oposisyon eh nagta-trabaho naman sila?

Hindi maintindihan ng mga DDS na ang papel ng Ehekutibo ay ipatupad ang mga batas na ipinasa (at napirmahan) ng Lehislatibo. Dapat husgahan ang Presidente (bilang pangunahing opisyal ng Ehekutibo) ayon sa pagpapatupad n’ya ng batas. Halimbawa, sa National ID System. Nung isang taon pa ito naging batas pero hanggang ngayon, wala pang ginagawa ang Presidente para maisakatuparan ito.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit ang mga DDS na ito ay mabilis mauto nila Thinking Pinoy, Mocha at Sassot gayong may access naman sila sa Internet. Kayang-kaya naman nila i-fact-check ang mga pino-post ng mga ito sa kanilang social media accounts. Siguro katamaran na lang kaya tinatanggap na lang nila ang mga research diumano ng mga DDS bloggers na ito. Nakakalungkot.

Nawa’y gamitin natin ng tama ang ating pribilehiyo na makapag-Internet. Huwag tayong dumagdag sa pagkakalat ng unverified reports (or worst, fake news). Huwag tayong maniwala agad-agad ng mga nababasa natin sa mga Facebook pages. Huwag natin siraan ang mga nasa oposisyon kundi maging mapagmatyag at maging matalino tayo sa pagsusuri ng mga FB posts. Sa gayon, hindi tayo madaling mauuto ng mga bayarang trolls at bloggers ng administrasyon.

Huwag din tayo pa-apekto agad sa mga negative comments na nakikita natin. Suriin din natin kung ang nagpo-post ng mga komentong ito ay troll or lehitimong FB o Twitter user. Maglaan ng konting panahon upang tignan kung kelan ginawa ang accounts nila. Ilan ang friends/followers? Kung mga tipong 11 followers at 0 followers at ginawa ng 2018, malamang na troll nga. Huwag nang patulan.

Saturday, August 18, 2018

Makabagong Wikang Filipino

Nagugulat ako sa mga nababasa kong posts mula sa Twitter account ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Napakalayo na ng narating ng Wikang Filipino mula sa kinagisnan kong turo nung elementary pupil pa lamang ako. Natatandaan ko dati, hindi pa 28 ang letra nga alpabetong Filipino (Pilipino nung panahong iyon). A, B, K, D, E, G, H, I, L, M, N NG (nga), O, P, R, S, T, U, W, Y. (20 letra). May kanta pa yan dati. Nung nag-high school ako sa Mataas na Paaralan ng Mariano Ponce sa Baliuag, Bulacan (ngayon Baliwag), nadagdag na ang mga letra na makikita sa alpabetong Ingles -- C, F, J, Q, V, X, Z at enye N. May kabuuang 28 letra na ang alpabetong Filipino mula noong 1990.

KWF Logo

Ang dahilan kung bakit nadagdag sa alpabetong Filipino ang 8 letra mula sa alpabetong Ingles ay dahil may mga lugar at apelyido sa Pilipinas na gumagamit ng mga letra mula sa wikang Ingles at Espanyol -- Cavite, Francisco, Jaro, Quezon, Victorias, Xavier, Zamboanga, etc. Yan ay ayon sa pagkakatanda ko. Dati, ang ginagamit pa naming diksyonaryo (talatinigan) ay yung gawa ni Maria Odulio de Guzman at basehan din minsan ang Bibliyang Tagalog (yung kauna-unahang salin). Itinuro din nung first year high school, na kung ano ang bigkas, ay s'ya ring baybay. Kaya minsan, may mga salitang Tagalog (na pinagbasihan ng Filipino) na magkaiba ang spelling at ang bigkas (pronunciation) pero parehas lang ang kahulugan.

Nabanggit din nung Filipino teacher namin nung high school na kung magsasalin ng salita sa wikang banyaga, alamin muna kung may katapat or kaukulang salita mula sa iba pang wika sa Pilipinas, bago baybayin ang wikang banyaga. Lumaki din ako sa Baliuag, Bulacan kaya gusto ko, 'pag nagsasalita ako or nagsusulat sa Filipino, yung malalim na Tagalog talaga ang ginagamit.

Purist kaya tawag 'pag ganon? Sa gayon kung uulitin ko sa mas malalim na Tagalog yung naunang pangungusap, magiging -- "Lumaki dan ako sa Baliuag, Bulacan kaya hangad ko, kapag namumutawi o nagsasalaysay sa Filipino, yung dalisay na Tagalog ang ginagamit".

Nagulat talaga ako sa mga salitang gamit sa mga Tweets ng KWC -- elementari, hayskul, etc. Meron namang mga katumbas na salita ang mga ito sa Tagalog, pero bakit kailangang baybayin ng ganito? Maiintindihan ko pa kung ang mga salitang binabaybay ay mga makabagong katawagan sa agham o kaya ay computer (kompyuter). Halimbawa, mga bagay na naimbento sa labas ng bansa sa nakaraang 50 years o mga bagong tuklas na bagay. Mga bagay tulad ng desktop computer, laptop, monitor, smartphone, iMac, quasar, super nova, atbp (at iba pa o etc). Kung susundan kasi ang lohika ng KWF, baka tamarin na tayong halungkatin ang mga katumbas na salin o salita ng mga karaniwang bagay at isulat na lang natin ito ayon sa ating pagkaka-pronounce (bigkas). Halimbawa

Typewriter -- Makinilya, Tayprayter

Notebook -- Kwaderno, Notbuk

Pencil -- Lapis, Pensil

Example -- Halimbawa, Eksampol (Ehemplo)

Problem -- Suliranin, Prablem (Problema)

Statement -- Pangungusap, Isteytment

Ewan ko, pero parang ang sagwang mabasa ng mga baybay na parang ipinilit lang dahil sa katamaran. Pwede namang panatilihin na lang ang orihinal na spelling ng mga hiram na salita para hindi na baybayin pa sa Filipino. Siguro, eto na talaga ang kahihinatnan ng wikang Filipino sa patuloy na paglipas ng panahon. Tanggap naman ng karamihan at naiintindihan ka naman ng mga kapwa nating Filipino kahit sabihin mong "keri (carry) na 'te".

Minsan naman, hindi ko rin maintindihan kung bakit pa kailangang baybayin sa Filipino ang isang salita sa Ingles na wala naming katumbas sa Filipino. Bakit hindi na lang panatilihin ang orihinal na baybay nito? Halimbawa, bakit kailangan pa gamiting ng KWF ang salitang akawnt kung pwede namang gamitin ang account? Meron din akong nakitang mga salitang dedlayn (deadline), adres (address), tsanselor (chancellor), ekstensiyon (extension), kolum (column) at iba pa, sa kanilang Twitter account.

Pero natutuwa naman ako dahil pinipilit ng Komisyon ng Wikang Filipino na payabungin (payamanin) ang wikang Filipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga conference at pagtitipon ng mga dalubhasa sa wika. Sa taong ito, ang tema ng Buwan ng Wika (Agosto) ay "Filipino: Wika ng Saliksik (Research)". Sana lang magkaroon ng isang makabagong diksyonaryo ang KWF para maging gabay sa makabagong paggamit at pagsulat sa Filipino.

Isang bagong balarila at gabay sa grammar na nasa PDF format at pwedeng mabasa at masangguni ng mabilis dahil ito'y pwede nang tignan sa ating mga cellphone (selpon). Sa ganitong paraan, magkakaroon ng unity (pagkakaisa) at similarity (pagkakahawig) ang ating paggamit ng Filipino, sa salita at sa sulat. Maaring suntok sa buwan, pero sana nga, ang Filipino ay tunay na maging wika, hindi lang ng saliksik, kundi ng pagkakaisa, saang panig ka man ng mundo naroroon.

Wednesday, August 10, 2016

Ampalaya Plus

 

Ampalaya Plus

Alam niyo po ba na ang Ampalaya ay kabilang sa sampung halamang gamot na itinataguyod ng Philippine Department of Health na mabisa sa pagpapanatili ng lebel ng ating blood sugar.

Ampalatay Plus 2

Ngayong darating na August 11, 2016, makakapanayam po natin si Dr.Emil Aligui, Medical Consultant ng Natural Quality Corporation sa ating programang Baranggay Simbayanan ng 9:40-9:50 ng umaga sa Veritas 846.

Ampalatay Plus 3

Ang Natural Quality Corporation ay ang kumpanyang gumagawa at nagtitinda ng Ampalaya Plus. Isang natural dietary food supplement na tumutulong sa pagpapanatili ng ating blood sugar level.

Ampalatay Plus 4

Ibabahagi po saatin ni Dr.Emil Aligui, Medical Consultant of Natural Quality, ang mga benepisyo ng pagsasama ng ampalaya sa ating pang araw-araw na diyeta.

Para po sa mga karagdagang impormasyon tungkol sa mga benepisyo ng Ampalaya plus, panoorin niyo po ang video testimonial na kabilang sa post na ito.

https://www.facebook.com/Veritasph/posts/1111619065548045?__mref=message_bubble

Wednesday, June 26, 2013

Preview ng Windows 8.1, Inilabas Na

Naks, parang headline lang sa tabloid. Inilabas na kahapon, Hunyo 26, 2013 and preview version ng Windows 8.1. Ito ay isang update sa Windows 8 na bagong operating system (OS) mula sa Microsoft. Inilabas ang Windows 8 noong isang taon at ang final version naman ng Windows 8.1 ay ilalabas bago matapos ang taon.
 
Ang balitang ito ay walang impact sa 'kin dahil ako ay naka-Windows 7 pa rin. Mahal kasi ang bagong OS ng Microsoft eh. Balita ko nasa P7,000 mahigit pa ang halaga nito sa SM Megamall (yung full version). Kahit naman yung upgrade version ng Windows 8 na kalahati ang presyo ay mahal pa rin. Ayaw ko naman na bumili ng pirated version. Yung Windows XP ko kasi at Windows 7 ay mga genuine copy. Kaya gusto ko, genuine copy rin ng Windows 8.
 
Kung ikaw ay gumagamit na ng Windows 8, eh 'di subukan mo na ang Windows 8.1. Punta ka lang sa link na ito para ma-download ang preview version: 
 
http://windows.microsoft.com/en-us/windows-8/download-preview
 
Sana, bago matapos ang taon, at 'pag lumabas na ang full version ng Windows 8.1 ay meron na akong perang pambili. Ang ganda kasi ng itsura nito eh at mas mabilis talaga kesa sa Windows 7. Madami rin itong mga free apps na walang katumbas na program sa Windows 7. Mga apps na ang uso ngayon eh. At napakadaming free apps na available for download sa Microsoft Store.
 
Hayz, ang hirap sumunod sa uso. Napakabilis ng takbo ng teknolohiya hindi lang sa computer kundi pati sa mga cellphones, TV, at iba pang electronic devices. Talagang sunugan ng pera 'pag sunod ka lagi sa kung anuman ang uso. Buti na lang hindi ako masyadong sumusunod sa uso. Hindi nga ako nahilig sa tablets at touch-screens na cellphone eh. Hindi rin ako nahilig sa console games. Mabuti naman at sa computer lang ako nahilig kaya ito lang ang gusto kong sunod sa uso. Mabuti na lang at madami ng programs ngayon ang libre. Ito lang talagang OS at yung MS Office at walang libreng version na gusto ko kaya ito na lamang 2 software na ito ang binibili ko.
 
Di bale, sa December, bago na ulit ang PC ko at Windows 8 na ang ilalagay ko dito. Konting tiis na lang. Ikaw ba, sunod ka rin sa uso pagdating sa computer programs?

Thursday, April 25, 2013

Libreng Sine

Salamat ulit sa Nuffnang PH at sa Sun Cellular dahil nanalo na naman ako sa kanilang pa-contest. Isa ito sa mga perks ng pagiging blogger.

Iron Man 3 nga pala ang pelikula na papanoorin namin bukas sa Newport Cinema 2, Resorts World Manila sa may Pasay City (tapat ng NAIA 3). Siguro pangatlo or pang-apat na beses na akong manonood ng sine sa Newport Cinema – at lahat ng ito ay libre, courtesy of Nuffnang PH at mga sponsors.

Sa mga curious kung ano ang Nuffnang PH, ito ang #1 blog advertisement company sa bansa. Actually branch ito ng Nuffnang na based sa Singapore. Mahigit 6 years nang nago-operate ang Nuffnang PH pero last year lang ako naging member nito. Sinuma nun, kung anu-anong prizes na at events ang napuntahan ko. At sosyalin ang mga events ng Nuffnang PH.

Kung ako sa ‘yo, maga-apply na akong blogger. Magaganda ang perks ng isang blogger – lalo na ‘pag member ng Nuffnang PH.

Kita-kits bukas sa Iron Man 3!

Iron Man 3

Saturday, January 12, 2013

“Pusong Bato” by Alon Band

Alon Band from flutelyricsdotph

Ang Last Song Syndrome (LSS) ay parang Love – ‘di mo alam kung kelan darating at paano.

Nakatambay lang ako dito sa bahay at nagko-computer habang ang aming kapitbahay ay walang habas sa pagkanta sa videoke. Paulit-ulit nilang kinakanta yung “Pusong Bato” kaya siguro nanuot sa aking kukute. Naging LSS ko tuloy!

Badtrip na mga kapitbahay, binigyan ako ng LSS. Baka madala ko ‘tong kanta na ‘to hanggang sa office sa Lunes. Ito na ba ang bagong pambansang kanta ng mga tomador at adik sa videoke?

Ito yata yung original na video ng “Pusong Bato”

Na-curious naman ako sa kanta. Hinanap ko sa YouTube yung original na video. Meron akong nakita, more than 5 million hits na video kaso puro lyrics. Yung sumunod naman, music video at may 3.7 million hits. ‘Di ko alam kung ilang linggo (or buwan na kaya) mula nang sumikat yung kantang ito pero ngayon ko lang talaga ito na-encounter.

Dala ng curiosity ko, nalaman ko na may copyright issue pa yung lyrics ng kanta. At ‘di ko rin malaman kung babae ba o lalaki yung original na kumanta. May lumalabas na original singer ay si Aimee Torres, pero mas sumikat ‘ata yung version ng Alon Band.

Hindi naman ako mahilig manood ng TV pero kinanta na pala ito ni Charice Pempengco sa Kris TV noong December. Ganun kasikat yung kanta. At dahil sa kantang ito, nagkaroon ako ng 2nd blog article dito sa Tagalog blog ko.

Maraming salamat sa aking mga tomador na kapitbahay sa pagbibigay sa ‘kin ng LSS na “Pusong Bato”.

Picture courtesy of www.flutelyrics.ph

Ang kwela at catchy ng lyrics ng kantang “Pusong Bato”.