Saturday, August 18, 2018

Makabagong Wikang Filipino

Nagugulat ako sa mga nababasa kong posts mula sa Twitter account ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Napakalayo na ng narating ng Wikang Filipino mula sa kinagisnan kong turo nung elementary pupil pa lamang ako. Natatandaan ko dati, hindi pa 28 ang letra nga alpabetong Filipino (Pilipino nung panahong iyon). A, B, K, D, E, G, H, I, L, M, N NG (nga), O, P, R, S, T, U, W, Y. (20 letra). May kanta pa yan dati. Nung nag-high school ako sa Mataas na Paaralan ng Mariano Ponce sa Baliuag, Bulacan (ngayon Baliwag), nadagdag na ang mga letra na makikita sa alpabetong Ingles -- C, F, J, Q, V, X, Z at enye N. May kabuuang 28 letra na ang alpabetong Filipino mula noong 1990.

KWF Logo

Ang dahilan kung bakit nadagdag sa alpabetong Filipino ang 8 letra mula sa alpabetong Ingles ay dahil may mga lugar at apelyido sa Pilipinas na gumagamit ng mga letra mula sa wikang Ingles at Espanyol -- Cavite, Francisco, Jaro, Quezon, Victorias, Xavier, Zamboanga, etc. Yan ay ayon sa pagkakatanda ko. Dati, ang ginagamit pa naming diksyonaryo (talatinigan) ay yung gawa ni Maria Odulio de Guzman at basehan din minsan ang Bibliyang Tagalog (yung kauna-unahang salin). Itinuro din nung first year high school, na kung ano ang bigkas, ay s'ya ring baybay. Kaya minsan, may mga salitang Tagalog (na pinagbasihan ng Filipino) na magkaiba ang spelling at ang bigkas (pronunciation) pero parehas lang ang kahulugan.

Nabanggit din nung Filipino teacher namin nung high school na kung magsasalin ng salita sa wikang banyaga, alamin muna kung may katapat or kaukulang salita mula sa iba pang wika sa Pilipinas, bago baybayin ang wikang banyaga. Lumaki din ako sa Baliuag, Bulacan kaya gusto ko, 'pag nagsasalita ako or nagsusulat sa Filipino, yung malalim na Tagalog talaga ang ginagamit.

Purist kaya tawag 'pag ganon? Sa gayon kung uulitin ko sa mas malalim na Tagalog yung naunang pangungusap, magiging -- "Lumaki dan ako sa Baliuag, Bulacan kaya hangad ko, kapag namumutawi o nagsasalaysay sa Filipino, yung dalisay na Tagalog ang ginagamit".

Nagulat talaga ako sa mga salitang gamit sa mga Tweets ng KWC -- elementari, hayskul, etc. Meron namang mga katumbas na salita ang mga ito sa Tagalog, pero bakit kailangang baybayin ng ganito? Maiintindihan ko pa kung ang mga salitang binabaybay ay mga makabagong katawagan sa agham o kaya ay computer (kompyuter). Halimbawa, mga bagay na naimbento sa labas ng bansa sa nakaraang 50 years o mga bagong tuklas na bagay. Mga bagay tulad ng desktop computer, laptop, monitor, smartphone, iMac, quasar, super nova, atbp (at iba pa o etc). Kung susundan kasi ang lohika ng KWF, baka tamarin na tayong halungkatin ang mga katumbas na salin o salita ng mga karaniwang bagay at isulat na lang natin ito ayon sa ating pagkaka-pronounce (bigkas). Halimbawa

Typewriter -- Makinilya, Tayprayter

Notebook -- Kwaderno, Notbuk

Pencil -- Lapis, Pensil

Example -- Halimbawa, Eksampol (Ehemplo)

Problem -- Suliranin, Prablem (Problema)

Statement -- Pangungusap, Isteytment

Ewan ko, pero parang ang sagwang mabasa ng mga baybay na parang ipinilit lang dahil sa katamaran. Pwede namang panatilihin na lang ang orihinal na spelling ng mga hiram na salita para hindi na baybayin pa sa Filipino. Siguro, eto na talaga ang kahihinatnan ng wikang Filipino sa patuloy na paglipas ng panahon. Tanggap naman ng karamihan at naiintindihan ka naman ng mga kapwa nating Filipino kahit sabihin mong "keri (carry) na 'te".

Minsan naman, hindi ko rin maintindihan kung bakit pa kailangang baybayin sa Filipino ang isang salita sa Ingles na wala naming katumbas sa Filipino. Bakit hindi na lang panatilihin ang orihinal na baybay nito? Halimbawa, bakit kailangan pa gamiting ng KWF ang salitang akawnt kung pwede namang gamitin ang account? Meron din akong nakitang mga salitang dedlayn (deadline), adres (address), tsanselor (chancellor), ekstensiyon (extension), kolum (column) at iba pa, sa kanilang Twitter account.

Pero natutuwa naman ako dahil pinipilit ng Komisyon ng Wikang Filipino na payabungin (payamanin) ang wikang Filipino sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga conference at pagtitipon ng mga dalubhasa sa wika. Sa taong ito, ang tema ng Buwan ng Wika (Agosto) ay "Filipino: Wika ng Saliksik (Research)". Sana lang magkaroon ng isang makabagong diksyonaryo ang KWF para maging gabay sa makabagong paggamit at pagsulat sa Filipino.

Isang bagong balarila at gabay sa grammar na nasa PDF format at pwedeng mabasa at masangguni ng mabilis dahil ito'y pwede nang tignan sa ating mga cellphone (selpon). Sa ganitong paraan, magkakaroon ng unity (pagkakaisa) at similarity (pagkakahawig) ang ating paggamit ng Filipino, sa salita at sa sulat. Maaring suntok sa buwan, pero sana nga, ang Filipino ay tunay na maging wika, hindi lang ng saliksik, kundi ng pagkakaisa, saang panig ka man ng mundo naroroon.