Saturday, September 21, 2019

Shout-Out Sa Officemate Kong Homophobic

Hoy Charles, bakit ba tag ka ng tag sa ‘kin sa post ng ibang tao tungkol sa SOGIE Bill? Wala ka bang sariling post na dun mo ko pwedeng i-tag? Sawsaw ka ng sawsaw sa opinion ng iba.



Una, hindi naman ito usapin ng CR ng lalaki. Bakit ba ang ingay mo sa issue? Apektado ka? Isyu ‘to ng CR ng babae. Eh ‘di hayaan natin silang magsalita at magreklamo kung nababastos sila kapag may mga transgender (na tulad ni Gretchen Diez) na nakikigamit ng CR nila.

Tapos lagi mong sinasabi baka may mga lalaking mag-bihis bakla, pumasok sa CR ng babae at mang-molestiya. Lagi mong sina-cite yung isolated case sa US. Jusmiyo, sa dami ba naman ng rapists sa Pilipinas, kailangan pa ba nilang mag-extra effort para lang makapang-molestiya? Gusto mong bigyan kita ng numbers ng mga rapists sa Pilipinas na sarili nilang anak ang binibiktima nila?

Makitid talaga utak mo ‘no Charlie? Wala kang pinagka-iba kay Tito Sotto. Yung mga senador na babae nga tulad nila Binay, Marcos, Villar, at Cayetano hindi nga nagsasalita against sa mga baklang nakikigamit ng CR ng babae, kayo pa ni Sotto ang maingay?

Sa opis nga natin, parang si Shine lang ang narinig kong may reklamo sa paggamit ng mga bading sa CR nila – na nagiiwan daw ng patak ng ihi sa gilid ng bowl. Kahit naman sa CR ng lalaki ganun. May tissue naman, pwedeng pahiran. Other than that, wala akong naririnig na reklamo mula sa mga babae. Paano mo nasabing against ito sa women’s rights?

To think na sa call center ka nagta-trabaho at nakapag-aral ka naman, ganyan ang mentality mo? Buti sana kung construction worker ka na hindi nakapag-college. Eh kahit ireklamo mo sa HR natin yan, ‘di ka papansinin dahil unang-una, may culture of tolerance sa call center. Pangalawa, nasa Quezon City ang Tera Tower at may ordinance against discrimination. Kung feeling ng bading na babae s’ya (at kamukha naman n’ya si Gretchen Diez o kaya si OM Steph kung kumilos) sino ka para tumutol? Nag-try ka na ba mag-reklamo sa HR natin na si OM Steph sa CR ng babae nagsi-CR?

Problema kasi sa ‘yo Charlie ang ingay mo sa social media eh sa personal naman, para kang bawang na pinitpit. Nakakatuwa nga eh. Nagpa-poll ka sa wall mo eh puro naman kapwa mo homophobe at makitid ang utak na mga lalaki at nag-comment. Parang si Leilani lang ‘ata yung babae na nag-comment.

Eto hamon ko sa mga babaeng empleyado ng opisina natin – kung talagang nababasto kayo at feeling n’yo, labag sa women’s right ang ginagawa ng mga transgender sa paggamit ng CR n’yo, magsalita kayo sa post na ito. Tapos i-collate n’yo mga reklamo n’yo and I dare all of you, iparating n’yo sa HR mga hinanakit n’yo about sa mga bading na nakiki-CR sa inyo.

Pero bago n’yo gawin yan, isipin n’yo lang mga kapatid, kamag-anak at mga kaibigan n’yong bading. This is the first and last time that I’ll speak about this issue kasi nga, inuulit ko, hindi ito usapin ng CR ng lalaki. Usapin ito ng CR ng babae. Let the women speak. It's their issue.










Saturday, March 9, 2019

Trolls ni Duterte


Nagdiriwang ang mga DDS sa pagpirma ni #PGong ng mga batas tulad ng Expanded Maternity Leave, Free College Education at Universal Health Law. Full credits ang mga DDS sa presidente ah – parang s’ya lang ang may gawa ng lahat.



Ang nakakalungkot – mga citizens sa Facebook ang mga nauuto ng mga DDS na ‘to. Kung kaya mong mag-Facebook, may access ka rin sa Internet. Kayang-kaya mong i-Google kung sino ang primary author ng mga bills na ito para naman i-credit mo ang congressman at senador. Wag puro sa presidente ang credit dahil hindi pa naman n’ya napapatupad ang mga batas na ito ng maayos.

Madami sa mga DDS na ito ay nakapagtapos naman ng college. Ibig sabihin, nakatapos naman ng Constitution 101. Alam naman siguro nila ang 3 sangay ng pamahalaan natin – Legislative, Executive at Judiciary. Legislative (House of Representatives at Senate) ang gumagawa ng batas, Executive (Office of the President) ang nagpapatupad ng batas, at Judiciary ang nagi-interpret kung ang mga batas na ito ay ayon sa Saligang Batas, among other functions.

Okay naman i-credit ang pangulo sa mga inilabas nitong Executive Orders tulad ng Nationwide Smoking Ban, FOI sa Executive Branch, DOLE order regarding contractualization, atbp. Ang mga ito ay galling mismo sa pangulo at hindi naman tinutulan ng Korte Suprema. Ibig sabihin, naaayon naman sa Saligang Batas (Konstitusyon) – o walang nagsampa ng reklamo sa Korte Suprema.

Pero ang mga batas na ipinasa sa pangulo para pirmahan, bakit sa kanya lang nag credit ng mga DDS? Dahil ba ang mga batas na ito ay gawa ng mga senador na nasa oposisyon tulad nila Bam Aquino (Free Education Act) at Risa Hontiveros (Expanded Maternity Leave Act). Bakit kailangang i-demonized ang mga senador na nasa oposisyon eh nagta-trabaho naman sila?

Hindi maintindihan ng mga DDS na ang papel ng Ehekutibo ay ipatupad ang mga batas na ipinasa (at napirmahan) ng Lehislatibo. Dapat husgahan ang Presidente (bilang pangunahing opisyal ng Ehekutibo) ayon sa pagpapatupad n’ya ng batas. Halimbawa, sa National ID System. Nung isang taon pa ito naging batas pero hanggang ngayon, wala pang ginagawa ang Presidente para maisakatuparan ito.

Hindi ko rin maintindihan kung bakit ang mga DDS na ito ay mabilis mauto nila Thinking Pinoy, Mocha at Sassot gayong may access naman sila sa Internet. Kayang-kaya naman nila i-fact-check ang mga pino-post ng mga ito sa kanilang social media accounts. Siguro katamaran na lang kaya tinatanggap na lang nila ang mga research diumano ng mga DDS bloggers na ito. Nakakalungkot.

Nawa’y gamitin natin ng tama ang ating pribilehiyo na makapag-Internet. Huwag tayong dumagdag sa pagkakalat ng unverified reports (or worst, fake news). Huwag tayong maniwala agad-agad ng mga nababasa natin sa mga Facebook pages. Huwag natin siraan ang mga nasa oposisyon kundi maging mapagmatyag at maging matalino tayo sa pagsusuri ng mga FB posts. Sa gayon, hindi tayo madaling mauuto ng mga bayarang trolls at bloggers ng administrasyon.

Huwag din tayo pa-apekto agad sa mga negative comments na nakikita natin. Suriin din natin kung ang nagpo-post ng mga komentong ito ay troll or lehitimong FB o Twitter user. Maglaan ng konting panahon upang tignan kung kelan ginawa ang accounts nila. Ilan ang friends/followers? Kung mga tipong 11 followers at 0 followers at ginawa ng 2018, malamang na troll nga. Huwag nang patulan.